Nagpaalala ang pamunuan ng Basilika ng Poong Itim na Nazareno sa Quiapo sa mga deboto sa darating na pista sa Sabado.
Sa isinagawang pulong balitaan, sinabi ni Monsignor Hernando Ding Coronel, rektor ng Basilica Minore, mas mainam kung maging matiwasay at maayos ang pista kung matututo lamang aniyang magbigayan.
Binigyang diin ng pari, hindi naman aniya sa pisikal at mga tradisyon nasusukat ang paghahanda sa pista.
Mas maganda aniya kung ang kalooban ng bawat isa ang ihahanda sa pamamagitan ng pagiging mabuti sa kapwa.
‘Epalitiko’
Kaugnay nito, muling iginiit ng pamunuan ng Basilica ng Nazareno sa Quiapo na bawal ang mga epal na pulitiko at kandidato sa pista ng Itim na Nazareno sa Sabado.
Ito ang inihayag ng rektor ng Basilika na si Msgr. Hernando Coronel alinsunod sa ipinalabas na panuntunan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle.
Nakasaad sa nasabing direktiba na dapat manatiling patas, walang kinikilingan at independiente ang simbahan sa usapin ng pulitika maliban na lamang sa mga usaping moral.
Una rito, nagpalabas na rin ng kahalintulad na direktiba ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) hinggil dito.
Class suspended
Walang pasok sa lahat ng antas sa lungsod ng Maynila sa darating na Sabado.
Kasabay ito ng pagdiriwang ng lungsod sa pista ng Itim na Nazareno.
Ayon kay Manila City Administrator Ericson Jojo Alcovendaz, layon nitong matiyak ang seguridad ng mga estudyante gayundin ng mga debotong lalahok sa nasabing pagdiriwang.
Nabatid na ililipat ang imahe ng Itim na Nazareno mula simbahan ng Quiapo patungong Luneta at ibabalik ito sa mismong araw ng pista sa pamamagitan ng prusisyon.
By Jaymark Dagala | Aya Yupangco (Patrol 5)