Ibinalik sa serbisyo ng Philippine Navy ang kanilang decommissioned na barkong BRP Magat Salamat para magsilbing Command post sa Dinagat island.
Ayon kay Phil. Navy Spokesperson Cmdr. Benjo Negranza, magkakaroon ng mahalagang papel ang BRP Magat Salamat sa Humanitarian and Disaster Response Operations ng Phil. Navy sa DINAGAT island.
Magsisilbing “mother Ship” ang BRP Magat Salamat para sa mga mas maliliit na barko ng Navy na naghahatid ng tulong sa mga biktima ng bagyong “Odette” sa isla.
Matatandaan na ang BRP Magat salamat ay ni-retiro sa serbisyo nitong Disyembre 10, matapos ang mahigit 4 na dekadang serbisyo sa Philippine Navy.
Sa kanyang pagbabalik sa serbisyo, ang BRP Magat Salamat ay mamanduhan ng mga “volunteers” na mga dating miyembro ng kanyang crew. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)