Nagpositibo sa African Swine Fever ang nasa 34 mula sa 300 sample ng mga delata at meat products na nakumpiska sa paliparan at tinangkang maipasok sa bansa.
Ayon sa Department of Agriculture, kabilang sa mga kontaminado ng African Swine Fever ang ilan sample ng sausage, hotdog, meatballs, siomai, kikiam at mga canned goods na galing sa China.
Ikinaalarma naman ni Dr. Joy Lagayan ng Bureau of Animal Industry ang naging resulta sa mga delata dahil karaniwang naipoproseso na ang mga ito.
Samantala, batay sa talaan ng FDA o Food and Drug Administration nasa 7 milyong pisong halaga na ng mga nakumpiskang delata mula sa malalaking supermarket ang nakatakdang sirain.
Sa kabila naman nito, muli tiniyak ng D.A na nananatiling ligtas at wala pang naitatalang kaso ng African Swine Fever sa mga alagang baboy sa bansa.