Mga lalaking magde-deliver lang sana ng tubig sa isang barangay, naging instant bumbero at superheroes pa.
Ang buong kwento ng kabayanihan ng dalawang lalaki, eto.
Sa isang video na nakuhanan sa isang kalsada ng barangay Martirez Del 96 sa Pateros, makikita ang isang tricycle driver na ilang beses sinubukang buksan ang makina ng kaniyang tricycle.
Matapos ang ilang padyak, bigla na lang nagliwanag at nagliyab ang tricycle.
Mabuti na lang at mabilis na nakababa ang driver at ang pasahero sa likod nito.
Habang sinusubukang igilid ng driver ang kaniyang tricycle, isa pang tricycle ang dumaan na mayroong kargang mga galon ng tubig.
Agad itong huminto sa gilid ng kalsada at walang pagdadalawang isip na nagbuhat ng galon ng tubig at ginamit ang mga ito para apulahin ang apoy.
Hindi nagtagal ay isang residente ang dumating bitbit ang isang timba ng tubig at kasunod naman nito ang Brgy. Administrator na si Joey Lacson na humahangos papalapit sa nasusunog na tricycle bitbit ang isang fire extinguisher na siya namang tumapos sa komosyon.
Ayon kay Joey, sa tulong ng mga batang humingi ng saklolo sa barangay ay agaran silang nakarespunde sa pinangyarihan ng insidente.
Pinuri at hinangaan naman ang pagiging selfless ng dalawang delivery boys na hindi nag-alangan na mag-abono at gamitin sa aksidente ang mga tubig na idedeliver lang sana nila.
Bukod pa riyan, makapigil hininga man ang nangyari, napatunayan naman nito na buhay pa rin sa mga pilipino ang pagbabayanihan.
Ikaw, gagawin mo rin ba ang ginawa ng dalawang lalaki kung malagay ka sa kaparehas na sitwasyon?