Inilatag na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang demand ng Pilipinas sa bansang Kuwait kaugnay ng pagpapadala nito ng mga overseas worker sa nasabing bansa.
Layon nitong matiyak ang seguridad at protektahan ang mga Pilipinong manggagawa sa ibayong dagat partikular na sa Kuwait mula sa pang-aabuso at pananamantala ng mga employer duon.
Magugunitang nagmatigas si Labor Secretary Silvestre Bello III na mananatili ang deployment ban sa Kuwait hangga’t hindi nabibigyan ng katarungan ang pagkamatay ng Pinay OFW na si Joanna Demafelis.
Ito’y kahit pa nakatakda nang lumagda ang Kuwait ng isang kasunduan o Memorandum Of Understanding (MOU) sa Abril 7 ng taong kasalukuyan.
Kasunod nito, pabor naman si Bello na ipaubaya na lamang sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang pagbibigay ng lisensya sa mga recruitment agency makaraang irekumenda ito ni Overseas Filipino Workers (OFW) Committee Chairman Jesulito Manalo.
Pero tugon ni Bello, maisasakatuparan lamang aniya ang naturang rekumendasyon sa sandaling malinis na mula sa mga tiwaling opisyal at kawani ang POEA.
Samantala, sa kaniyang talumpati kahapon sa graduation rites ng PNPA sa Cavite, inisa-isa ng Pangulo ang mga kundisyon ng Pilipinas na dapat sang-ayunan ng Kuwait.
Ito ang dahilan ayon sa Pangulo kaya’t hapon na siya nakarating sa naturang okasyon na nagsimula, kahapon ng umaga.
—-