Na-aalarma na ang mga doktor at siyentista sa kontrobersyang bumabalot sa anti-Dengue vaccine na Dengvaxia.
Ito’y sa kabila ng paliwanag ng mga opisyal ng Department of Health maging ng Dengvaxia manufacturer at French Pharmaceutical Company na Sanofi Pasteur sa mga nakalipas na Senate hearing.
Ayon kay dating Health Secretary Esperanza Cabral, na kabilang sa nangangambang doktor, tila may phobia o natatakot na ang karamihan sa mga magulang na bakunahan ang kanilang mga anak dahil sa mga negatibong balita hinggil sa Dengvaxia.
Isa anya sa mga halimbawa nito ay sa Tundo, Maynila kung saan 30 lamang ang sumipot para sa libreng anti-flu vaccine habang 60 porsyento ng mga magulang sa Zamboanga City ang hindi pinayagan ang kanilang mga anak na ipa-deworm o ipa-purga.
Ipinaliwanag ni Cabral na mas maraming benepisyo ang aanihin kung babakunahan ang mga bata.
Samantala, dismayado rin ang grupo ng mga doktor at siyentista sa kawalan ng kumpiyansa ng publiko sa healthcare programs ng gobyerno bunsod ng issue sa Dengvaxia.