Tanging ang mga gamot lamang na rehistrado sa Food and Drug Administration (FDA) ang maaaring ibigay ng mga doktor sa kanilang mga pasyente.
Ayon ito ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire dahil may mga batas sa bansa na nagsasabing ang mga gamot lamang na FDA-registered ang uubrang ireseta ng mga doktor sa kanilang mga pasyente, sa gitna na ito ng mga report na pagbibigay ng ilang doktor ng Ivermectin sa kanilang pasyente.
Nilinaw naman ni FDA Director General Eric Domingo na ang compassionate special permit (CSP) na ibinigay nila sa isang ospital para gamitin ang Ivermectin ay hindi nangangahulugan ng product registration nito.
Batay sa probisyon ng CSP, sinabi ni Domingo na tanging ang mga ospital lamang ang puwedeng gumamit ng Ivermectin kaya’t ang mga doktor lamang sa partikular na ospital ang maaaring magbigay nito sa mga pasyente na mula rin sa parehong ospital.
Para lamang aniya sa veterinary use o panghayop ang tanging produkto ng Ivermectin sa Pilipinas na nakarehistro sa FDA.