Naisumite na kahapon ng Department of Health (DOH) ang mga kinakailangang dokumento sa Commission on Audit (COA) kaugnay sa isasagawang auditing ng COVID-19 vaccines.
Ayon kay DOH Officer-in-Charge Dr. Maria Rosario Vergeire, siya mismo ang nagtungo sa tanggapan ng COA sa Building 2, ng DOH Compound, upang ipasa ang mga kinakailangang mga dokumento alinsunod na rin sa special audit na isasagawa ng COA para sa mga COVID-19 vaccine procurements.
Tiniyak ni Vergeire, na magiging maayos ang pakikipag-ugnayan ng DOH sa COA kung saan, handa nilang tanggapin ang mga katanungan hinggil sa pagbili ng mga bakuna upang maprotektahan ang bawat isa.
Samantala, nilinaw naman ng DOH na ang pagkasira ng mga bakuna ay dulot na rin ng maikling shelf life nito at pagtanggi pa ng ilang mamamayan na magpaturok ng bakuna.