Nasa kamay na ng Ombudsman ang mga dokumentong magpapatunay na may bilyun-bilyong tagong yaman si Pangulong Rodrigo Duterte sa bangko.
Ito ang ibinunyag ni Senador Antonio Trillanes IV sa panayam ni Cely Ortega – Bueno sa programang Usapang Senado sa DWIZ.
Noong isang taon pa umano naibinigay ng AMLAC o Anti-Money Laundering Council ang mga naturang dokumento.
Ani Trillanes, utos ng Pangulo na magkaroon ng imbestigasyon ang AMLAC kaugnay sa kanyang umano’y bilyong pisong bank accounts kung saan nagbanta itong magre-resign kung mapapatunayan ang akusasyon.
Kasabay nito, hinamon ni Trillanes ang publiko na tanungin mismo sa Ombudsman kung totoo ang kanyang isiniwalat at kung parehong dokumento ang hawak nito sa dokumentong hawak ng kanilang kampo.
Sasabihin ko ‘to for the first time, ‘yung Anti-Money Laundering Council na documents na nagpapatunay sa bilyun-bilyong pisong pera ni Duterte ay nasa Ombudsman, at last year pa pala nandoon.
Ako, ngayon, again, itataya ko ang reputation ko, tanungin niyo ang Ombudsman kung nasakanila o wala.
Samantala, pinayuhan ni senador ang publiko na huwag nang maniwala sa mga pagbabanta ng Pangulong Duterte kaugnay sa pagbitiw nito sa puwesto.
Kasunod ito sa naging matinding pahayag ng Pangulo na handa siyang mag-resign kapag napatunayang sabit sa korapsyon ang kanyang anak na si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte.
Alam niyo wag na tayong maniwala ngayon diyan sa banta-banta ni Duterte na magre-resign siya.
Kasi siya nga mismo eh, nung sinabi niya, magbigay lang, inutusan daw niya yung AMLAC na buksan, kung meron daw siyang bilyun-bilyong piso eh magre-resign siya.
Pangulong Duterte tinawag na ‘sinungaling’ at ‘bolero’ ni Sen. Trillanes
Nakatiwangwang na ang ebidensya, pinagtatakpan pa.
Ito ang naging pahayag ni Senador Antonio Trillanes kaugnay sa pagiging tahimik ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kontrobersyal na kinasasangkutan ngayon ng Bureau of Customs (BOC).
Kinumpara ng senador ang naging hatol ng Pangulong Duterte kay dating Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mike Sueno at ngayo’y BOC Commissioner Nick Faeldon.
Ani Trillanes, walang kibit-balikat na tinanggal ng Pangulo si Sueno nang walang nangyaring imbestigasyon.
Habang nakakapagtaka aniya na si Faeldon ay pilit na pinagtatakpan ng nakaladlad nang mga ebidensya.
Si Duterte, yung sinasabi noon na maka-amoy lang daw siya ng korapsyon eh tatanggalin daw niya agad, katulad noong kay Secretary Mike Sueno walang kaso eh, hindi mo alam, hindi nga alam ng taumbayan yung korapsyon na sinasabi pero ito nakatiwangwang na pero pinagtatakpan padin.
Kasabay nito, tinawag na ‘sinungaling’ at ‘bolero’ ni Trillanes ang Pangulong Duterte dahil sa pagsasawalang bahala anya nito sa mabigat na isyung kinasasangkutan ng Customs sa kabila ng pagpapahayag ng galit nito sa korapsyon.
Itong si Duterte talagang hindi mo mapapanghawakan yung kanyang salita kasi talagang ano siya sinungaling or bolero.
Pagkakahalal kay Pangulong Duterte isang malaking pagkakamali – Trillanes
Ang Pangulong Rodrigo Duterte ang ugat ng lahat kaguluhan sa bansa.
Ito ang mabigat na salitang binitiwan ni Senador Trillanes nang tanungin kung isa bang pagkakamali ang pagkakatalaga kay Commissioner Nick Faeldon sa BOC o Bureau of Customs.
Depensa ng senador, mahaba lamang ang pasensya ng mga Pilipino bago ito magsalita o lumaban.
Ginawang halimbawa ni Trillanes ang tatlong daang taong pagnanakop ng mga dayuhan sa Pilipinas at ang pagkakadeklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos ng martial law.
Kasabay nito nagpahayag ng pagtutol ang senador sa isinusulong na tax reform package ng administrasyong Duterte.
Paliwanag niya, unang matatamaan nito ang mahihirap na mamamayan.
Dagdag pa niya, kailangan na kontrahin ang panukalang ito dahil baka paggising kinabukasan ng mga Pilipino ay madadagdagan na ng P6.00 ang kada litro ng gasolina, kung saan sunod-sunod nang tataas pati ang presyo ng mga pangunahing bilihin.