Pinakakalkal ni Presidential Communications Assistant Secretary Mocha Uson ang mga dokumento na sumusuporta sa pagiging lehitimo ng MPC o Malacañang Press Corps.
Ito’y makaraang hilingin ni Uson Kay Communications Secretary Martin Andanar ang kopya ng department orders hinggil sa estado ng MPC at ang mga karapatan gayundin ang pribilehiyong ibinibigay dito.
Inaalam din ni Uson kung may mga batas o kautusan tulad ng executive o administrative orders patungkol sa MPC para i-cover ang Pangulo at kung mayroon ba itong rehistro sa SEC o Securities and Exchange Commission bilang isang organisasyon.
Una rito, humingi ng paumanhin si Uson sa traditional o mainstream media sa sunud-sunod niyang mga birada at banat laban sa mga lehitimong mamamahayag.
Sa kaniyang video post, iginiit ni Uson na hindi niya intensyong saktan ang damdamin ng karamihan sa mga traditional media kung nadamay man ang mga ito sa kaniyang mga batikos.
Nag-ugat ang hidwaan sa pagitan ng traditional media at ng mga tinawag na social media army ng administrasyon makaraang umalma ang Malacañang beat reporter na si Pia Rañada ng Rappler sa birada laban sa kaniya ng blogger na si Rey Joseph o RJ Nieto na administrator ng online blog na Thinking Pinoy.
—-