Inaresto ng mga awtoridad ang deputy secretary general ng Piston na si Ruben Baylon, at lima pang drayber na kabilang sa mga nagsagawa ng kilos protesta sa lungsod ng Caloocan, kahapon, Hunyo 2.
Ayon sa pamunuan ng Caloocan police, lumabag sa umiiral na quarantine protocols ang mga naturang drayber na nagkilos protesta sa bahagi ng EDSA, kung saan nanawagan ang mga ito ng tulong sa pamahalaan at payagan silang makabyahe muli.
Pagkatapos ng naturang protesta, nakiusap pa ang mga awtoridad na magkusa na lamang silang mag-disperse, dahil labag sa quarantine protocols ang kanilang ginagawa.
Pero ‘di nagpatinag ang mga drayber na nagsagawa ng kilos protesta, kaya’t dinala ang mga ito sa tanggapan ng pulisya. Kinilala ang mga ito bilang sina:
- Ruben Baylon, Deputy Secretary General ng transport group na Piston,
- Severino Ramos,
- Wilson Ramilia,
- Ramon Paloma,
- Arsenio Ymas Jr.,
- at Elmer Cordero.
Magugunita, sa ilalim ng ipinatupad na mga community quarantine, ipinagbawal ang mga pampublikong transportasyon kabilang na ang mga jeepney, dahil hindi maipatutupad dito ang social distancing para makaiwas sa pagkalat pa ng COVID-19.
Samantala, sasampahan ng patong-patong na kaso ang mga nahuling miyembro ng transport group, tulad ng paglabag sa pagsasagawa ng mass gatherings, kawalan ng social distancing at iba pang paglabag.