Bawal nang magmaneho ng pampublikong sasakyan ang mga drivers na walang ID mula sa LTFRB o Land transportation Franchising and Regulatory Board simula sa Mayo.
Ayon kay LTFRB Board Member Aileen Lizada, simula sa Mayo ay kailangan nang dumaan sa isang araw na klase at pagsusulit ang lahat ng drivers ng pampublikong sasakyan sa drivers academy na bubuksan ng LTFRB o Land Transportation Office (LTO).
May expiration date anya ang ibibigay nilang ID sa mga drivers kaya’t kailangan uli nilang sumalang sa training bago makakuha ng panibagong ID.
Sinabi ni Lizada na bubuo rin sila ng database ng mga drivers kung saan puwedeng i-rate ang kakayahan ng mga ito tulad ng ginagawa sa mga drivers ng uber at grab.
Obligado anya ang lahat ng drivers na sumailalim sa training at pagsusulit kung nais pa nilang makapagmanehong muli ng pampasaherong sasakyan.
PAKINGGAN: Si LTFRB Board Member Aileen Lizada sa panayam ng DWIZ
Stop and Go Coalition sasampolan ng LTFRB
Sasampolan ng LTFRB o Land Transportation Franchising and Regulatory Board si Jun Magno ng Stop and Go Coalition at ilang operators ng jeepney na lumahok sa transport strike nitong Pebrero.
Ayon kay LTFRB Board Member Aileen Lizada, ihahain nila sa regular na korte ang kaso laban kay Magno sa susunod na linggo samantalang tapos na rin ang imbestigasyon sa mga operators na tatanggalan na nila ng Prangkisa.
Ang pahayag ay ginawa ni lizada, matapos magpahayag ng tatlong araw na tigil pasada ang Stop and Go Coalition anumang araw mula ngayon para muling iprotesta ang planong pag phase-out sa mga jeepney.
Nanawagan si Lizada sa lahat ng jeepney operators at drivers na makilahok sa inihanda nilang regional consultation na sisimulan sa susunod na linggo upang malinawan nila kung ano ang talagang plano ng pamahalaan para sa kanila.
PAKINGGAN: Pahayag ni LTFRB Board Member Aileen Lizada sa panayam ng DWIZ
By Len Aguirre