Hinikayat ng Department of Transportation (DOTr) ang mga driver ng public utility vehicles (PUV) na sumali sa “Service Contracting Program (SCP)” ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang makakuha ng dagdag na income.
Ayon kay DOTr Secretary Arthur Tugade, magandang pagkakataon ito para sa mga tsuper upang makabawi makaraang mawalaan ng kita dahil sa pandemya.
Ang SCP registration at orientation ay nagsimula noon pang Miyerkules at matatapos hanggang Linggo, mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Sa ilalim ng programa, ang mga driver o operators ng traditional at modernong PUJs ay makakatanggap ng P11 kada kilometro habang ang mga bus operators o drivers naman ay makakakuha ng P23.10 kada kilometro.
Ibibigay sa mga benepisyaryo ang subsidy bawat linggo sa pamamagitan ng Landbank of the Philippines.