Umarangkada na ang Project ET o execution team ng DTI o Department of Trade and Industry na hahabol sa mga tinaguriang ‘dugas lord’ na mga negosyante kahapon.
Ayon kay DTI Undersecretary Ted Pascua ang Project ET ay ang bersyon ng Tokhang ng ahensiya kung saan kanilang pinaigting ang pagmomonitor at pagtiyak sa tamang PLTK o presyo, timbang, label at kalidad ng mga produkto.
Dagdag ni Pascua, nakipag-ugnayan din ang DTI sa mga local government units at iba pang mga ahensya ng pamahalaan para humingi ng tulong sa pagdakip sa mga madadayang tindero.
“Makikipag-ugnayan din kami sa mga LGU kasi sila talaga nakatutuok diyan eh, ipinakita namin na seryoso kami dahil katuwang natin dito ang NBI, PNP at NICA dahil wala naman kaming kakayahan ng intelligence, hahanapin mo kung saan nanggagaling ang mga imported na hindi tama ang presyo, label, timbang at kalidad.” Ani Pascua
Nakatakda rin aniya bisitahin ng dti ang isang tindahan ng mga substandard na bakal na ayon sa Philippine Institute Steel Industry ay ginamit sa mga gusaling gumuho sa Ormoc City nang tumama ng 6.5 magnitude na lindol sa Leyte.
“Yung Philippine Institute of Steel Industry sabi nila nag-imbestiga sila noong lumindol sa Ormoc, tinignan nila yung mga nasira aba’y substandard ang mga bakal , yun ang sabi nila, kaya kahapon nakuha natin ang sulat nila, may team na kaming inorganisa at pupuntahan yung sinasabi nilang bilihan nung substandard na bakal.” Pahayag ni Pascua
By Krista de Dios | Balitang Todong Lakas Interview