Inaasahang ilalahad ngayong araw ng Customs broker na si Mark Taguba ang kaniyang mga hawak na dokumento na nagpapatunay sa pag-iral ng ‘tara’ o payola system sa Bureau of Customs o BOC.
Ito’y sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ngayong araw kaugnay sa iligal na pagpasok ng shabu shipment sa bansa mula China na nagkakahalaga ng mahigit 6 na bilyong piso.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, patutunayan nito sa kaniyang magiging pagtatanong kay Taguba ang pagkakasangkot ni dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon sa naturang anomalya na mariin naman nitong itinatanggi.
Iisa-isahin dito ayon kay Lacson ang mga pangalan na binigyan umano ng suhol ni Taguba mula sa mga pinakamaliit na kawani ng Aduana hanggang sa pinakamataas tulad ni Faeldon.
Gayunman, umaasa si Lacson na pagbibigyan siya ni Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon na mailahad ni Taguba ang mga hawak nitong ebidensya sa kabila ng pagmamatigas ni Faeldon na huwag dumalo sa pagdinig.
Economic sabotage case
Samantala, nakatakda ring sampahan ni Lacson ng kasong economic sabotage at graft si Faeldon anumang araw ngayong linggo.
Ayon kay Lacson, ito ay dahil sa pagkakasangkot umano ni Faeldon sa rice smuggling at iba pang smuggling activities sa ilalim ng kanyang pamumuno sa Customs.
Magiging pagsubok ang isasampang kaso kay Faeldon sa bagong pasang batas na Anti – Smuggling Act of 2016.
Kumpiyansa si Lacson na hindi makakalusot dito si Faeldon dahil suportado ng mga dokumento ang kanyang isasampang kaso.
—-