Hati ang opinyon ng mga eksperto hinggil sa paggamit ng Ivermectin bilang umano’y panlaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito’y ayon kay Dr. Ted Herbosa, special adviser ng National Task Force Against COVID-19.
Aniya, bilang personal na opinyon, hindi nito pipigilan ang mga indibidwal na gumamit nito pero hindi rin aniya ireresta ang anti-parasitic drug sa kanyang mga pasyente.
Paliwanag ni Herbosa, mas makabubuti kasing hintayin ng publiko ang buong datos hinggil sa naturang gamot para matiyak kung ito ba’y nakatutulong o hindi.
Giit pa ni Herbosa na batay sa tinayang 70 mga eksperimentong isinagawa para matukoy ang Ivermectin bilang pangontra COVID-19, hindi pa rin anito sapat ang mga impormasyong lumabas.
Kasunod nito, sinegundahan ni vaccine expert panel chair, Dr. Nina Gloriani ang pahayag ni Herbosa na mas makabubuting hintayin nga muna na makumpleto ang pag-aaral sa bisa ng Ivermectin.