Hati ang opinyon ng ilang mga eksperto kaugnay ng planong charter change o Cha-cha upang ganap nang palitan ang sistema ng pamahalaan tungo sa pederalismo.
Ito’y makaraang simulan na ng Senate Committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes and Laws ang kanilang pagdinig hinggil sa usapin.
Itinuturing ni dating Supreme Court Chief Justice Hilario Davide na isang uri ng lethal experiment at pagtalon sa impiyerno ang isinusulong na pag-aamiyenda sa saligang batas.
Giit pa ni Davide, handa siyang makipagpatayan para lamang sa Saligang Batas ng taong 1987 na kanila aniyang binuo noong 1986 matapos ang dalawang (2) dekadang diktadurya ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.
Bagay na kinontra naman ni dating Senate President Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr. subalit nilinaw nito na hindi dapat baguhin ang mga magagandang probisyon sa umiiral na Saligang Batas.
Bagama’t pabor si dating Supreme Court Chief Justice Reynato Puno sa isinusulong na charter change tungo sa pederalismo, nagpahayag naman siya ng ilang mga pangamba hinggil sa epekto nito.
Con-con mas mainam na paraan ng Cha-cha
Iginiit ng mga eksperto sa Saligang Batas na ang constitutional convention o Con-con ang tamang paraan para sa ganap na pagbabago ng konstitusyon.
Ito ang nagkakaisang pahayag nila dating Supreme Court Chief Justices Hilario Davide at Reynato Puno gayundin ni dating Senate President Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr.
Taliwas ito sa inaprubahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso na constitutional assembly o Con-ass na ayon sa mga mambabatas ay mas mura at praktikal sa panig ng pamahalaan.
Sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Constitutional Amendments, iminungkahi ni Puno ang pagtatatag ng hybrid constitutional convention.
Para naman kay Davide, layon nito na masiguro na ang mga eksperto ang siyang tutukoy sa kung ano ang mga babaguhin sa saligang batas nang walang anumang bahid ng pansariling interes o kapakinabangan.
Subalit depensa ni Presidential Chief Legal Counsel Atty. Salvador Panelo, nais din ni Pangulong Rodrigo Duterte noon ang Con-con ngunit umatras ito nang malaman ang laki ng gagastusin para dito.
Bagay na kinontra naman ni dating Chief Justice Puno na nagsabing ang pagpapalit ng konstitusyon, tulad ng mga mahahalagang bagay ay dapat laging pinaglalaanan ng pondo upang makuha ang kalidad nito.