Nakatakdang ilabas ng Vaccine Expert Panel ang rekomendasyon nito sa booster shots at karagdagang doses sa loob ng isa hanggang dalawang linggo.
Ito, ayon kay Food and Drug Administration Director-General Eric Domingo, ay upang matiyak ang kaligtasan ng booster shots.
Nais anya nilang mabatid kung ano ang karagdagang benepisyo ng pagtuturok ng isa pang dose ng COVID-19 vaccine.
Hinimok naman ni Domingo ang pribadong sektor na pansamantalang itigil ang pagtuturok ng booster sa mga empleyado nito lalo’t marami pang hindi nabibigyan ng first dose o nakakumpleto ng bakuna.
Magugunitang binigyang-diin ng Department of Health na ibinibigay lamang ang booster shots kapag nagsisimula nang humina ang immunity matapos ang ilang buwan magmula nang maging fully vaccinated.
Ang additional doses naman o third dose ay ibinibigay sa mga indibidwal na hindi kayang abutin ang sapat na immunity para labanan ang virus. —sa panulat ni Drew Nacino