Mayroon nang rekomendasyon ang mga eksperto kung sino ang prayoridad na turukan ng Covid-19 bivalent vaccines, sa oras na maging available ito sa bansa.
Ayon kay Department of Health Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire, batay sa pinag-usapan ng mga eksperto, may inisyal nang rekomendasyon ang mga ito kung anong sektor ang unang mabibigyan ng bakuna.
Gayunman, hindi pa ito isasapubliko dahil kailangan pang isapinal ang bilang ng bakunang matatanggap.
Sinabi naman ni Vergeire na ibabase nila sa syensya at ebidensiya ang ilalabas na guidelines sa pagtuturok ng bivalent vaccines, na ginawa na rin noong unang bahagi ng Covid-19 vaccination program.
Sa kasalukuyan, nakikipag-usap na ang DOH sa mga gumagawa ng bakuna para sa pagbili ng bansa dito.