Iimbitahan ng Malacañang na makibahagi sa Inter-Agency Task Force ang mga ekspertong nagbigay ng bagsak na marka sa pamalaan pagdating sa pagtugon sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic sa bansa.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, bukas ang pamahalaan sa mga reaksyon mula sa mga eksperto kaya naman titiyakin nilang mapadadalhan ang mga ito ng imbitasyon.
Gaya aniya ng mga eksperto mula sa University of the Philippines kung saan naging malaki naman umano ang ginagawa ng mga ito na pag-alalay sa pamahalaan sa patuloy na paglaban sa health crisis bunsod ng COVID-19.
Magugunitang sinabi ni Associate Professor Maria Corazon Tan ng UP Diliman’s College of Social Work and Community Development na bigo ang pamahalaan na pairalin ang transparency, accountability at respeto sa karapatang pantao, habang batay naman sa assessment ni dating UP Diliman Chancellor at Professor Emeritus Michael Tan, hindi pa rin napigilan ang pagkalat ng COVID-19 sa kabila ng pagpapatupad ng mga lockdown ng mahigit apat na buwan.