Inirekomenda ng binuong Consultative Committee ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbuwag sa mga electoral tribunal.
Sa halip, sinabi ng Con-Com na nais nilang lumikha ng isang Federal Electoral Tribunal sa ilalim ng bagong sistema ng pamahalaan na siyang hahawak sa lahat ng mga electoral protest tuwing matatapos ang halalan.
Ayon kay Con-Com member at dating Associate Justice Eduardo Nachura, posible kasi aniyang magkaroon ng bias o pagkiling ang bawat tribunal pabor sa lahat ng mga pinoprotestang partido o kandidato sa isang posisyon.
Sa ilalim aniya ng Federal Electoral Tribunal, sinabi ni Nachura sasaklawin nito ang mga isasampang reklamo sa pagka-Pangulo, Pangalawang Pangulo, mga miyembro ng Senado at Kamara.
Kabibilangan aniya ito ng limang miyembro kabilang na ang presiding justice na itatalaga ng Pangulo at limang iba pang justices na magmumula naman sa Commission on Appointments o CA.
—-