Nangangamba na ang mga empleyado ng gumuhong Chuzon Supermarket sa Porac, Pampanga kahit ang mga nasa ibang branches nito na mawalan sila ng trabaho.
Ito’y bunsod ng isinasagawang imbestigasyon kaugnay sa pagguho ng Porac branch matapos ang magnitude 6.1 na lindol noong Abril 22.
Umaasa ang mga empleyado na matatapos sa lalong madaling panahon ang imbestigasyon upang makabalik na sila sa kanilang trabaho.
Magugunitang kinuwestyon ang structural integrity ng gusali ng Chuzon Supermarket sa Porac matapos itong gumuho gayong hindi naman umano napakalakas ng pagyanig.
Ang nabanggit na supermarket na pag-aari ni Samuel Zhu ay may branch sa Santo Tomas, Apalit, Guagua at Floridablanca, Pampanga maging sa Tarlac at Mariveles, Bataan.