Pinabulaanan ng mga empleyado ng Dangerous Drugs Board o DDB ang pagkakasangkot umano nila sa isinumiteng reklamo sa laban sa dati nilang chairman na si Dionisio Santiago.
Ito’y makaraang ihayag ni Presidential Spokesman Harry Roque noong Lunes na isa sa dahilan nang pagkakasibak kay Santiago ay ang mga paratang ng katiwalian.
Isa sa mga idinadawit si Edith Mendoza, Executive Assistant sa DDB na tinawag na “Girl Friday” at nobya umano ni Santiago.
Kasama umano si Mendoza sa isang pulong hinggil sa droga sa Vienna, Austria na sinasabing ginastusan ng gobyerno ang biyahe at kabilang sa mga paboritong tauhan ni Santiago na kasama sa isa pang biyahe sa Amerika.
Inilabas naman ng Palasyo ang letter-complaint na umano’y ihinain ng mga tauhan ng DDB at pirmado ng isang Priscilla Herrera pero kanyang nilinaw na wala siyang nilalagdaang anumang sulat.
—-