Posibleng makaaapekto sa operasyon at morale ng mga opisyal at empleyado ng Department of Health (DOH) ang ikinasang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa kagawaran.
Ito ang inamin ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, bagama’t kanyang tiniyak na handa ang kagawaran na makipagtulungan sa Ombudsman sa imbestigasyon.
Ayon kay Vergeire, hindi maiiwasang maapektuhan ang mga kawani ng DOH na matagal nang nagtatrabaho ng maayos kung saan ilan na rin ang nahawaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Bukod dito, posibleng makaapekto rin ito sa operasyon ng ahensiya lalo na’t magkakasabay ang ginagawa nilang pagtugon sa pandemiya sa pagproseso sa imbestigasyon ng Ombudsman.
Aminado rin si Vergeire na kanilang ikinagulat ang pagsasagawa ng moto proprio investigation ng Ombudsman laban sa DOH.
Una nang inanunsyo ni Ombusdman Samuel Martires na kabilang sa kanilang iimbestigahan ang nakakalito at naaantalang paglalabas ng ulat ng DOH hinggil sa bilang ng kumpirmadong kaso at nasawi dahil sa COVID-19.