Maari nang mag-apply para magkaroon ng Civil Service Eligibility ang mga Job Order (JO) , contractual, casual at co-terminus employees na nagtatrabaho sa gobyerno ng kahit 10 taon.
Ito’y batay sa Resolution No. 2301123 ng Civil Service Commission o CSC kung saan saklaw nito ang JO, Contract of Service, Casual, Contractual, Coterminous status na may Category III at Category IV positions at career service employees na may first level eligibility.
Ang mga interesadong manggagawa na nais magkaroon ng Career Service Eligibility-Preference Rating o CSE-PR ay dapat sumalang sa nakatakdang Civil Service Examinations simula Marso 3 at dapat makakuha ng general rating na hindi bababa sa 70.
Sa ilalim ng resolusyon, ang mga manggagawa na nabigyan na ng CSE-PR ay awtomatikong magkakaroon ng 10 points sa CSC exam kaya’t 70 na lang ang kailangan nitong bunuin para makuha ang passing rate na 80.