Nagkilos-protesta ang ilang delivery riders at empleyado ng Shopee sa tapat ng Department of Labor and Employment sa Maynila.
Ito’y makaraang baligtarin umano ng isang Labor Arbiter ang desisyon hinggil sa karapatang magtatag ng unyon ang manggagawa ng kumpanya.
Ayon kay Eduardo Laurencio, Secretary General ng Association of Genuine Labor Organizations, binaligtad ng Arbiter ang pasya noong December 29, dalawang araw matapos ang initial ruling nito pabor sa Shoppee workers.
Sa orihinal na ruling noong December 27, mayroon anyang employee-employer relationship ang shopee workers, nangangahulugang maaari silang mag-organisa ng mga unyon at makipag-bargain sa kumpanya.
Pero dahil binaligtad, nangangamba ang mga empleyado na magkakaroon na ng karapatan ang kumpanya na mag-terminate ng kanilang employment kahit anong oras.
Bagaman tumanggi munang mag-komento ni Labor secretary Bienvenido Laguesma, kanya nang ipinag-utos ang factual background hinggil sa kaso.