Nagpaalala ang Department of Labor and Emloyment (DOLE) sa mga employer hinggil sa tamang pasahod sa mga manggagawang papasok bukas, araw ng halalan.
Ito’y matapos na maglabas ng Proclamation No. 1357 si Pangulong Rodrigo Duterte na nagdedeklarang Special Non-Working holiday ang May 9, 2022.
Batay sa abiso ng kagawaran, ang mga empleyado na magtatrabaho bukas ay dapat na tumanggap ng karagdagang 30% sa kanilang sahod.
Sa ilalim ng Labor Code, para sa trabahong ginawa sa espesyal na araw, ang mga empleyado ay dapat na bayaran ng karagdagang 30% ng kanilang pangunahing sahod.
para naman sa trabahong ginawa ng higit sa walong oras o overtime work, ang manggagawa ay dapat na makatanggap ng 30% ng kanilang hourly rate sa nasabing araw.
Sakali namang ang isang empleyado ay nagtatrabaho sa isang espesyal na araw na natapat sa kanilang day off, dapat silang bayaran ng karagdagang 50% ng kanilang pangunahing sahod sa unang walong oras ng trabaho.
Samantala, hinimok ni Bello ang mga manggagawa na mayroong isyu sa kulang sa pagbabayad at hindi pagbayad ng tamang sahod na i-report ito sa DOLE hotline 1349 o sa pinakamalapit na tanggapan ng nasabing kagawaran.