Nananatiling sarado sa publiko ang mga establisyimento sa bahagi ng Puerto Galera na sakop ng Oriental Mindoro bunsod parin ng COVID-19 pandemic.
Bagsak parin ang kanilang turismo dahil sa maliit na porsyento ng kapasidad na ibinigay ng Pamahalaan sa kanilang lugar.
Ayon sa mga negosyante, madalang o matumal ang mga turistang nagpupunta sa kanilang lugar dahil sa pangamba dulot ng banta ng COVID-19.
Kabilang sa mga establisyimentong patuloy na nalulugi ay ang mga kainan, mga souvenir shops, hotels maging ang mga vendor na hirap na sa gitna ng pandemiya.
Ayon kay Puerto Galera Mayor Rocky Ilagan, nasa 300 hanggang 400 turista pa lang ang dumadating sa Puerto Galera tuwing weekend dahil hindi umano pinapayagang makapasok ang mga turistang hindi fully vaccinated.
Sa ngayon, umaasa ang mga residente ng Puerto Galera na mas magiging maluwag pa ang restriction sa kanilang lugar para mas mapaangat ang turismo sa kanilang lugar maging ang ekonomiya ng bansa. —sa panulat ni Angelica Doctolero