Kapwa sinuyod ng DENR o Department of Environment and Natural Resources at ng lokal na pamahalaan ang mga estero sa iba’t ibang panig ng lungsod ng Maynila.
Ito’y bilang bahagi ng nagpapatuloy na rehabilitasyon sa Manila Bay na naglalayong ibalik ang dating ganda at linis nito.
Ayon kay DENR Sec. Roy Cimatu, mahalagang maisaayos ang nasabing mga estero dahil ito ang nagdadala ng dumi sa look ng Maynila na nagmula naman sa mga bahay na nakatirik sa tabi nito.
Kasunod nito, nagkasundo naman sina Sec. Cimatu at Manila Mayor Isko Moreno sa ikakasang relokasyon sa mga aalising informal settlers sa tabi ng mga estero na ililipat dito lang din sa Metro Manila.
Sa Martes, nakatakdang magpulong muli sina Cimatu at Moreno hinggil sa pagsasaayos ng mga daluyan ng tubig sa lungsod kung saan, tinatayang 20 pamilya ang kailangang mailikas agad.