Tiniyak ng Commission on Higher Education (CHED) ang tulong sa mahigit 1,000 estudyante at faculty na stranded sa ibang bansa para makauwi ng Pilipinas sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa virtual hearing ng House Committee on Higher and Technical Education, sinabi ni CHED chairman Prospero de Vera na nakikipag ugnayan na sila sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil dito.
Ipinabatid ni De Vera na hindi kaagad nakauwi ng Pilipinas ang mga estudyante at faculty dahil sa kanilang ongoing intership.
Sa ngayon aniya ay 147 pa lamang ang nakauwi ng bansa habang 76 pa ang naghihintay ng kanilang repatriation.
Inihayag ni De Vera na umaasa lamang sila sa sweeper flights para sa repatriation ng mga apektadong estudyante at faculty matapos suspindihin ang public transportation nang isailalim sa enhanced community quarantine ang buong Luzon nuong Marso.