Pagkakalooban ng Manila City Local Government Unit (LGU) ng mga gadget at portable internet device ang mga estudyante at guro sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.
Ito ang inanunsyo mismo ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso, kasunod na rin ng plano ng Department of Education (DepEd) na magpatupad ng Alternative Learning System (ALS) sa darating na pasukan.
Ayon kay Moreno, bibili ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ng 110,000 mga tablet na mayroong mga sim cards at 11,000 laptop na may kasamang pocket wifi.
Nagkakahalaga aniya ang mga ito ng P994-milyon na ipamamahagi sa mga estudyante at guro sa Maynila bilang paghahanda sa online classes.
Dagdag ng alkalde, ang ibibigay na sim card ay mayroon nang 10 gigabyte na internet connection kada buwan at mayroon ding libreng 2 gigabyte data para sa YouTube streaming.
Ipamamahagi aniya ang mga gadgets bago magsimula ang darating na school year.