Ligtas nang magbukas ang klase sa August 24 kung masusunod ang ipinatutupad na minimum health standards.
Paniniwala ito ni Health Secretary Francisco Duque III bagamat pinag-aaralan pa rin nila ang rekomendasyong balik eskuwela sa nasabing buwan.
Kabilang aniya sa minimum health standards na ito ang physical distancing, paghuhugas ng madalas ng mga kamay, disinfection ng mga silid aralan, at pagkakaruon lagi ng alcohol at sanitizer.
Makakatulong din aniya ang health screening sa mga papasuking estudyante at pagbibigay ng advisories sa mga magulang kung paano aalalayan ang mga batang makakaramdam ng sakit.
Una nang inihayag ni Education Secretary Leonor Briones ang pagbubukas ng klase sa August 24 subalit mahigpit itong tinututulan ng Pangulong Rodrigo Duterte hanggat walang bakuna.