Ika nga nila, high school life ang pinakamasaya at pinaka-memorable na stage sa buhay ng isang tao at dapat sinusulit ang bawat sandali nito. Kung kaya ang circle of friends na ito sa Cabuyao, Laguna, binonggahan ang kanilang presentation sa parents ng isa nilang kaibigan para makasama ito sa fieldtrip.
Napapayag nga ba nila ang mga magulang? Alamin.
Sa isang video na nag-viral sa social media, makikita ang isang grupo ng magkakaibigan na suot-suot pa ang kanilang school uniforms na tila nagpe-present sa harapan ng mga magulang ng kaibigan nila na si Ethan Kalaw.
Gabi na nang kuhanan ang video, pero ang energy ng mga estudyante, mas mataas pa sa sikat ng araw! Paano ba naman kasi, performance level ang pagpapaalam ng mga ito para lang payagan si Ethan na sumama sa kanilang fieldtrip na tinawag na Lakbay 2025.
Nagsilbing tila isang emcee ang isa sa mga estudyante habang ang iba pa naming kasama ay may kaniya-kaniyang participation sa pamamagitan ng paglalatag ng mga detalye tungkol sa Lakbay 2025.
Sinabi nila na sa pangasinan gaganapin ang kanilang fieldtrip na magsisilbi ring spiritual activity. Bukod pa riyan, grade 10 na rin daw sila at ‘’yon na ang pinakahuling beses na magkakasama-sama sila sa fieldtrip at simula pa noong grade 8 ay hindi nakakasama si Ethan.
Nangako pa ang mga ito sa mga magulang ni Ethan na iuuwi nila ito nang buhay, masaya, at buo.
In the end, matagumpay nilang napapayag ang nanay ni Ethan matapos siguruhin na kumpleto ang magkakaibigan sa Lakbay 2025.
Ikaw, ano ang pinaka-memorable na kwentong fieldtrip mo?