Nahirapan namang pumasok sa ikalawang araw ng face-to-face classes ang mga estudyante sa Malabon City makaraang salubungin ng baha bunsod ng malakas na ulang dala ng Bagyong Florita.
Kabilang sa mga nakaranas ng baha ang ilang estudyante sa Barangay Tugatog at Catmon kahapon ng umaga.
Ilang sasakyan naman ang tumigil sa kalsada habang nahirapang tumawid ang mga mag-aaral at kanilang mga magulang sa baha sa Governor Pascual Avenue.
Dakong tanghali na nang magdeklara ang City Government ng Malabon ng class suspension dahil sa malakas na ulan.
Kasabay din nito ang kautusan ni Pangulong Bongbong Marcos na suspendihin ang trabaho sa gobyerno at klase sa lahat ng lebel sa public school simula kahapon hanggang ngayong araw.
Saklaw ng suspension ang Metro Manila, Cavite, Laguna, Rizal, Bulacan, Zambales at Bataan.