Nilangaw ang pagbabalik-eskwela ng estudyante sa pampublikong paaralan matapos ang mahabang holiday break.
Sa Commonwealth Elementary School, pito lamang ang pumasok sa isang klase habang ang iba ay halos hindi rin nangalahati ang mga estudyante.
Nagulat naman ang isang guro sa Binalonan Elementary School sa Pangasinan dahil isang estudyante lamang ang kanyang nadatnan sa loob ng silid-aralan.
Gayundin ang eksena sa iba pang paaralan sa bansa ikatlong araw pagkatapos ng selebrasyon ng Bagong Taon.
Aminado naman din dito ang Department of Education dahil sa katunayan ay matagal na itong problema.
Posible anilang ang ilan sa mga pamilyang umuwi sa mga probinsya ay hindi pa nakabalik o kaya naman ay iniisip ng mga magulang na wala pang gagawin sa paaralan.
Binigyang diin ng DepEd na normal na klase na ang ginagawa at kung maaberya ang pagtuturo tulad ng kakulangan ng estudyante ay posibleng ma-extend ang araw ng pasok para makumpleto ang itinalagang bilang ng araw sa isang school year.
—-