Kulelat na nga sa math, science, at reading, maging sa creative thinking ay bagsak ang mga estudyanteng Pilipino.
Ito ang pinakahuling ulat na inilabas ng Program for International Student Assessment (PISA) na sumukat sa creative thinking skills ng 15-year-old students mula sa 64 countries sa buong mundo.
Batay sa assessment ng PISA na isinagawa noong 2022, pangalawa ang Pilipinas sa may pinakamababang creative thinking skills sa score na 14 points.
Lamang lang ng isang puntos ang bansa sa Albania na nakakuha ng pinakamababang score na 13.
Malayong-malayo ito sa itinakdang average score ng Organization for Economic Co-operation and Development (OECD) na 33 points.
Bukod sa Pilipinas at Albania, kabilang ang Uzbekistan at Morocco sa may pinakamababang creative thinking skills. Nakamit naman ng Singapore, South Korea, Canada, at Australia ang pinakamataas na scores.
Ito ang pinakaunang pagkakataon na sinubok ng PISA ang kakayahan ng mga mag-aaral sa paggamit ng kanilang imagination at creativity upang lumikha at pagandahin ang ilang mga ideya.
Kaugnay nito, matatandaang nauna nang inilabas ng PISA ang resulta ng performance ng mga estudyanteng Pilipino pagdating sa ilang asignatura.
Sa 81 countries, 76th ang Pilipinas sa math. 79th naman ito sa reading at 80th sa science.
Nasungkit naman ng Singapore ang rank 1 sa lahat ng nabanggit na subjects.
Kung mapapansin, first-world countries ang nangunguna sa ganitong uri ng pagsusulit, habang pinakamababa ang less developed at developing countries katulad ng Pilipinas.
Ang edukasyon ang pinakamahalagang kayamanang matatanggap ng isang tao. Ngunit kung kulang ang suporta at pondo na matatanggap ng mga mag-aaral mula sa pamahalaan, mahihirapan silang maabot ang kanilang buong potensyal at maging ang kanilang mga pangarap.