Handa na ang mga pangunahing expressway sa inaasahang pagdagsa ng mga sasakyang uuwi sa iba’t ibang probinsya sa katimugan ng Metro Manila.
Ayon sa pamunuan ng Skyway at NAIA Expressway, ilalatag na nila ang mga programa para matiyak ang kaligtasan ng mga motorista sa pagbiyahe partikular mula October 28 hanggang November 2.
Samantala, inaasahan din ang build up ng mga motorista sa parehong north at southbound ng South Luzon Expressway at Southern Tagalog Arterial Road Tollway kaya’t magde-deploy sila ng dagdag na mga tauhan sa southbound patungo sa direksyon ng Skyway at NAIA Expressway.
Pagtutuunan ng pansin ang choke points sa Doña Soledad Avenue at Dr. A Santos Avenue sa Parañaaque City patungong malalaking sementeryo tulad ng Loyola at Manila Memorial Park.
MMDA and MIAA
Nakalatag na ang mga isasagawang hakbang ng Metropolitan Manila Development Authority o MMDA at Manila International Airport Authority o MIAA para masiguro ang kaligtasan ng publiko sa darating na Undas.
Ito ay kasunod ng inaasahang malaking bulto ng mga taong bibiyahe papasok at papalabas ng Metro Manila sa Araw ng mga Patay.
Ayon sa MMDA, simula bukas ay kanila nang palalawigin ang clean-up drive sa mga piling pampubliko at pribadong sementeryo sa Metro Manila.
Tinatayang nasa halos 3,000 tauhan din ng MMDA ang ipapakalat para sa Oplan Undas 2017 ng pamahalaan na magsisimula bukas hanggang Nobyembre 2.
Samantala, inihayag naman ni Manila International Airport Authority General Manager Ed Monreal na magkakaroon ng time adjustment ang mga airline companies para sa pagbubukas ng check-in counters.
Layon aniya nito na maging maayos ang sitwasyon ng mga pasaherong paalis at palabas sa apat na terminal ng Ninoy Aquino International Airport o NAIA.
(By Ralph Obina)