Halos hindi na umano natutulog ang mga frontliners sa isang barangay sa Muntinlupa City.
Sa panayam ng DWIZ Patrol, sinabi ni Barangay Poblacion Deputy chief tanod Leopoldo “Pol” Bernabe na marami rin kasi ang mga pasaway sa kanilang nasasakupan kaya’t hindi sila tumitigil sa ginagawa nilang paghuli sa mga ito.
Aniya, dapat mabigyan ng leksiyon ang mga residente na lumalabag sa mga umiiral na panuntunan ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Maliban sa pag-iikot sa mga lugar kung saan maraming mga gumagalang pasaway, ayon kay Bernabe, abala rin sila nitong mga nakaraang araw sa pagbabantay sa pamamahagi ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng gobyerno.
Pahayag ni Bernabe, dapat pagsabihan din ng mga magulang ang kanilang mga anak lalo na ang mga nahuhuling lumalabag sa ECQ rules.
Giit niya, responsibilidad ng mga magulang na pasunurin ang kanilang mga menor de edad na anak sa mga alituntunin para na rin sa kaligtasan ng buong pamilya sa gitna ng banta ng coronavirus disease (COVID-19).
“Dapat magsilbi silang magandang ehemplo sa kanilang mga anak sa pagtalima sa ipinatutupad na curfew at quarantine protocols sa aming barangay. Marami rin po kasi kaming nahuhuling mga bata at matatanda na ‘di dapat pagala-gala ngayong panahon ng pandemic,” ani Bernabe sa panayam ng DWIZ.