Inihayag ng Israel Ministry of Tourism na maaari na muling magtungo sa kanilang bansa ang mga fully vaccinated na Pinoy.
Batay sa Abiso, maaari nang mag-book ng flight sa Ben Gurion airport ang mga Pinoy na naturukan ng dalawang doses ng Pfizer, Moderna, Astrazeneca, Sinovac, o Sinopharm vaccine, o isang dose ng Johnson & Johnson vaccine.
Habang ang mga nabakunahan naman ng Sputnik V ay mananatili muna sa isolation facility hanggang magkaroon ng resulta sa serological test.
Kabilang rin sa mga kondisyon upang makapasok sa naturang bansa ay ang pagpapakita ng vaccine certificate na hindi lalagpas sa anim na buwan matapos mabakunahan ng second dose at kung hihigit naman sa anim na buwan ay kailangan na ang third dose o booster shot.
Obligado rin ang mga turista na sagutanang declaration form at magprisinta ng PCR test na kinuha 72 oras bago ang kanilang biyahe at pagdating sa Israel.
Sasailalim rin ang mga turista sa mandatory quarantine habang naghihintay ng resulta ng kanilang swab test.—sa panulat ni Hyacinth Ludivico