Inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department Of Health (DOH) na ipamahagi na ang mga naka-stock nilang gamot na malapit nang mag-expire.
Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, kasunod ng ulat ng Commission On Audit hinggil sa P2.2 bilyong na halaga ng mga expired, malapit nang ma-expire at sobra-sobrang stock na gamot, medical at dental supplies ng DOH.
Ayon kay Roque, sinabi sa kanya ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na umabot sa P30 milyong halaga ng mga gamot ng DOH ang na-expire.
Habang may nalalabi pang P1.2 bilyong na halaga ng mga gamot at supplies ang hindi pa naman expired at iniutos na ni Pangulong Duterte na maipamahagi upang mapakinabangan ng taumbayan.
Sinabi ni Roque, ito ang mga gamot na sobra-sobra ang stock at halos hindi nagagalaw o mabagal ang distribusyon.
Batay sa 2019 annual audit report ng COA para sa DOH, nasa P1.14 bilyong halaga ng mga na-inventory na items ng ahensiya ang overstocked, 1 bilyong malapit ng ma-expire at 29 milyon ang expired na.