Binuwag na ang mga gangs sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) tulad ng Sigue Sigue Sputnik, Genuine Ilocano, Bahala na Gang at maraming iba pa.
Ayon kay Supt. Richard Schwarzkopf, hepe ng New Bilibid Prison, layon nito na maiwasan na ang mga riot sa pagitan ng mga nag-aaway na gangs.
Gayunman, sinabi ni Schwarzkopf na pinalitan nila ang gangs ng barangayan system lalo na sa Maximum Security Compound.
Kasabay ito ng mahigpit nilang pagpapatupad sa batas na nagbibigay ng good conduct time allowance o pagbawas sa sentensya ng isang preso depende sa mabuting asal nito sa loob ng bilangguan.
“Inaalis na din natin sa kanilang kaisipan yung dating mga kultura noong araw sa loob ng bilangguan, kung saan, ayon na nga rito sa bagong batas na kung saan ang karagdagang good conduct, na yung allowance ay maibigay sa kanila provided na itong ating mga inmates ay magpapakita talaga ng magandang pag-uugali habang sila ay nasa kulungan, at ang pagbibigay ng tamang reformation na dapat makuha ng mga inmates para maging productive bago sila makalaya.” Ani Schwarzkopf.
Ayon kay Schwarzkopf, nasa proseso na rin sila ng pagbili ng scanners at x-rays upang matiyak na wala nang maipapasok na kontrabando sa loob ng NBP tulad ng illegal drugs.
Nakatakda na rin silang magpatupad ng biometrics sa lahat ng gustong dumalaw sa NBP.
“Meron nang ginagawa ang BUCOR diyan para mas mapadali ang tinatawag natin na biometrics, kung saan ang mga dalaw sa pamamagitan ng kanilang daliri, sa pamamagitan ng biometrics na yun, magkakaroon sila ng pre-registration, hindi sila makakapasok unless you are a registered visitor.” Pahayag ni Schwarzkoph.
By Len Aguirre | Ratsada Balita