Binalaan ni Civil Service Commissioner (CSC) Aileen Lizada ang mga empleyado ng gobyerno na gumagamit ng padrino system para makauna ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ipinabatid ni Lizada na mayroong hierarchy o priority ang gobyerno sa kung sino ang unang tututukan kayat hindi dapat gumamit ng impluwensya at koneksyon para lamang mabakunahan kaagad.
Mahigpit aniya nilang binabantayan ang posibleng padrino system dahil dapat magkaruon ng pantay na oportunidad ang mga Pilipino sa pag-access ng bakuna.
Kasabay nito, inihayag ni Lizada na patuloy pa ang imbestigasyon hinggil sa report na ilang kawani ng pamahalaan ang nagpabakuna na sa labas ng bansa.