Magsisimula na ngayong buwan na matanggap ng mga empleyado ng gobyerno ang kanilang ika-apat na tranche ng mandatory salary increase.
Ang pinaka-bagong umento sa sahod ang huling bahagi ng mandatory increase sa ilalim ng Republic Act 11466 O Salary Standardization Law of 2019, na tinatawag ding “SSL V”.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, makatutulong ang dagdag-sweldo sa mga government worker na apektado nang walang-awat na pagsirit ng inflation.
Kinikilala anya ng pamahalaan ang hindi matatawarang dedikasyon ng mga manggagawa sa kanilang sektor na nagsisilbi sa bayan.
Saklaw ng RA 11466 ang lahat ng posisyon para sa civil personnel, regular, casual o contractual man, appointive o elective, full-time o part-time sa mga sangay ng ehekutibo, lehislatibo at hudikatura.
Hindi naman kabilang dito ang mga military at uniformed personnel; mga nasa constitutional commissions at iba pang constitutional offices; state universities and colleges, maging ang mga government-owned or controlled corporations.