Hinikayat ng grupong Associated Labor Union-Trade Union Congress of the Philippines o ALU-TUCP ang National Wage Board na magsagawa ng emergency meeting para talakayin at magtakda ng panibagong dagdag-sahod.
Ito ay sa harap ng sunod-sunod na taas presyo ng petrolyo, paggalaw ng presyo ng mga bilihin at serbisyo, nakaambang petisyon sa dagdag pasahe, taas singil sa tuition fee at iba pa.
Ayon kay TUCP Chairperson Alan Tanjusay, ang mga nangyayari ngayon ay maituturing na extraordinary situation at supervening kaya’t kinakailangan na muling pag-usapan ang umento sa sahod.
Iginiit ni Tanjusay na maaari namang putulin ng gobyerno ang tinatawag na prescriptive period na nagsasabing kailangang palipasin ang isang taon bago magtakda ng pagtaas muli ng sahod.
Ipinanawagan din ng grupo na ipantay na ang sahod sa Metro Manila at sa iba pang bahagi ng bansa dahil hindi naman naglalayo ang presyo ng mga bilihin at hindi hamak na mas mahal pa ang presyo ng langis sa mga probinsya.
—-