Malayang magdaos ng kilos protesta ang mga grupong nakikisimpatiya sa napatay na 17 – anyos na si Kian Loyd Delos Santos.
Ito ang inihayag ng Malakanyang kaugnay sa mga ikinakasang rally ng iba’t ibang grupo para kay Kian na napatay sa Oplan Galugad Operation ng Philippine National Police (PNP) sa Caloocan City.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, may karapatan ang publiko na mag-rally para maghayag ng kanilang mga saloobin.
Ilang beses na aniya, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na papayagan niyang magprotesta ang anumang grupo basta matiyak na hindi makokompromiso ang kaligtasan ng publiko at hindi maaapektuhan ang daloy ng trapiko.
Kasabay nito pinayuhan ni Abella ang mga magkikilos protesta na makipagtulungan sa mga otoridad habang ang mga pulis ay dapat magpatupad ng maximum tolerance.