Pinatutukan ng Malacañang sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang mga grupong may simpatiya sa Islamic State of Iraq and Syria o ISIS sa Mindanao.
Ito’y matapos maka-engkwentro at mapatay ng puwersa ng gobyerno ang 8 miyembro ng Anzar Khalifa Phillppines sa Sultan Kudarat na umano’y sumusuporta sa ISIS.
Sinabi ni Presidential Communications Secretary Sonny Coloma na nagpapatuloy ang operasyon ng militar at pulisya laban sa mga grupong banta sa seguridad at kasama sa misyon na i-verify kung may kaugnayan ang mga ito sa ISIS.
Kinalma rin ni Coloma ang publiko at tiniyak na nakatutok ang puwersa ng gobyerno sa seguridad at kaligtasan ng mga ito laban sa anumang banta ng karahasan.
By Meann Tanbio | Aileen Taliping (Patrol 23)