Nagbabala ang Philippine National Police na kanilang aarestuhin ang mga gumagamit ng blinker o wang-wang sa mga pangunahing kalsada.
Ayon kay PNP Director for Operations Pol. Maj. Gen. Valeriano de Leon, kanilang paiigtingin ang kampanya laban sa iligal na paggamit ng mga sirena o wang-wang at mga blinker.
Bukod pa dito, binalaan din ni De Leon na kanilang titikitan ang mga nagbebenta at auto shop na iligal na nagkakabit nito sa mga pribadong sasakyan.
Nilinaw ni De Leon na ang paggamit ng mga sirena at blinker ay eksklusibo lamang sa mga sasakyang ginagamit para sa opisyal na lakad ng mga tauhan ng PNP, Armed Forces of the Philippines, National Bureau of Investigation, Land Transportation Office, Bureau of Fire Protection at mga ambulansya alinsunod na rin sa Presidential Decree No. 96.
Matatandaang umapela si Senator JV Ejercito kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na muling buhayin ang kampanya laban sa abusadong paggamit ng sirena o wang-wang at mga blinker.