Nagbabala ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa publiko lalo na iyong mga gumagamit ng digital platforms partikular na iyong mga establisyemento na tumatanggap ng perang ipinadadala.
Ayon kay Bangko Sentral Ng Pilipinas (BSP) Governor at AMLC Chairman Benjamin Diokno, posible kasing samantalahin ng mga money launders ang ganitong uri ng platforms.
Napapansin kasi ng AMLC na tumaas ang bilang ng mga suspicious transaction reports na may kaugnayan sa online activities.
Batay sa datos, tumaas ng 57% ang mga naitala nilang suspicious transactions mula Enero hanggang Agosto.
Sa mga buwan kasing ito ipinatupad ang unang general community quarantine (GCQ), itinaas sa enhanced community quarantine (ECQ) hanggang sa ibaba modified ECQ ang bansa dahil sa COVID-19 pandemic.
Kaugnay nito, pinag-iingat din ng AMLC ang mga online fund transfer service providers tulad ng mga pawnshop, bangko at money transfers na tiyakin ang pagkakakilanlan ng customer upang hindi masangkot sa money laundering.