Umaaray ang industriya ng paputok sa Pilipinas hinggil sa ipinasang ordinansa ng ilang mga lokal na pamahalaan na nagbabawal sa publiko na gumamit ng paputok para sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay Joven Ong, tagapangulo ng Phlippine Fireworks Association, umaapela sila mismo kay Pangulong Rodrigo Duterte na huwag namang ipagbawal kahit ang simpleng pailaw lamang na siyang patok sa marami nilang parokyano.
Gayunman, sinabi ni Ong na sakaling tuluyan nang ipagbawal ang paggamit ng paputok sa bansa tulad ng naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte, hiniling nila na kung maaari ay payagan pa rin silang gumawa ng paputok na pang-export upang hindi naman mawalan ang maraming umaasa rito.
Una rito, may ilang lokal na pamahalaan na ang nagpasa ng ordinansa na total firecracker ban habang may ilan naman ang nais i-regulate ang paggamit nito lalo’t may umiiral pa ring pandemya ng COVID-19.