Pinag-iingat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang mga guro at mga magulang sa posibleng online recruitment ng New People’s Army (NPA) sa mga mag-aaral.
Ayon kay AFP Chief of Staff General Gilbert Gapay at PNP Chief Police General Camilo Pancratius Cascolan, ngayon ay madalas nang nakababad sa internet ang mga kabataan dahil sa online learning at posibleng samantalahin ito ng NPA sa kanilang recruitment.
Malakas anila ang presenya ng npa sa internet at kailangan na mabantayan ito ng mga magulang at guro para tiyaking hindi sila mabibiktima ng mga komunista sa kanilang pagse-surf sa internet.
Mahalaga umanong magkaroon ng gabay ang mga magulang at guro sa mga website na pinupuntahan ng mga mag-aaral dahil may panganib na ma-radicalize sila.
Ginawa ng dalawang heneral ang pahayag kasunod ng National Joint Peace and Security Coordinating Center Meeting sa Camp Crame, kasabay ng panawagan sa mga kabataan na huwag basta-basta sumali sa anomang grupo online.